Ethics complaint vs Sotto pinababasura
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon sa Senate Committee on Ethics ni Atty. Romulo Macalintal at ng grupong Cyber RISE o Responsible Internet Users for Social Empowerment na ibasura ang ethics complaint laban kay Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na inakusahan ng plagiarism.
Kapwa sinabi ng grupong RISE na binubuo umano ng mga responsableng internet users at ni Macalintal na pag-aaksaya lamang ng oras kung papatulan pa ng komite ang reklamo laban kay Sotto.
Naniniwala si Macalintal na isang “disservice” sa mga mamamayan kung ang isyu ng plagiarism ni Sotto ay mabibigyan pa ng prayoridad kaysa sa ibang isyu na dapat talakayin ng Senado.
Napakarami aniyang nakabinbing panukalang batas at resolusyon sa Senado na mas mapapakinabangan ng mga mamamayan kung maipapasa at mabibigyan ng prayoridad.
Sinabi naman ng Cyber RISE na nauna ng sumuporta sa kontrobersiyal na Cybercrime Prevention Act of 2012 na hindi na dapat bigyan ng pansin ang reklamo kay Sotto.
Si Sotto ay inakusahan na ginamit ang ilang bahagi ng speech ni US senator Robert F. Kennedy sa kaniyang talumpati laban sa Reproductive Health Bill ng hindi sinasabi ang author o pinagmulan nito.
Naniniwala naman si Macalintal, kung nabubuhay pa si Sen. Kennedy ay dapat ay matuwa ito dahil ginamit ni Sotto ang kanyang speech.
Noong Martes ay humingi na ng tawad si Sotto sa pamilya ni Kennedy pero pinanindigan nito na ang ginamit na quote ay ipinadala sa kaniya ng isang pastor.
- Latest