‘No return, no exchange’ bawal

MANILA, Philippines - Binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante lalo na ang may-ari ng department stores, tiangge at tindahan na mahigpit na ipinagbabawal ang “no return, no exchange policy” sa mga produktong binili.

Sinabi ni Undersecretary Zenaida Maglaya na sa ilalim ng umiiral na Consumer Act of the Philippines, mahigpit ring ipinagbabawal ang pagkakabit ng mga karatula na “No Return, No Exchange” sa mga tindahan o sa “sales invoice at resibo. Ipinagbabawal rin ang pagpi-print ng “seven-day return/exchange period sa mga tindahan o resibo.

Bawal rin ang natu­rang patakaran kahit na “gift check” pa ang ibinayad ng isang customer.

Naglabas ng paglilinaw ang DTI makaraang dumagsa ang reklamo laban sa ilang mga tindahan at shopping malls na hindi kumikilala sa karapatan ng mga consumer na nais palitan o isa­uli ang biniling produkto kapag ang ibinayad sa kanila ay gift certificates o gift checks.

Pwedeng maghain ng reklamo sa kanilang tanggapan kahit sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotline 751-3330  sa oras na hindi tanggapin ng pinagbilhang tindahan na palitan ang kanilang depektibo o hindi tugma na biniling produkto dahil lamang sa gift certificates ang kanilang ginamit.

Nauna rito’y naglabas ng Department Administrative Order ang DTI kaugnay sa pag-aalis ng expiry date sa lahat ng mga gift certificates, gift checks at gift cards na ipinamamahagi ng mga supplier sa bawat indibidwal na katumbas na rin ng halaga ng salapi.

Gayunman, hindi sakop ng kautusan ang mga gift certificates o gift checks na bahagi lamang ng promotional program, loyalty o awards.

Show comments