MANILA, Philippines - Ibinasura ng Pasay City Regional Trial Court ang petisyon ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. na makalabas ng bansa tungo sa Taiwan habang dinidinig ang kasong electoral sabotage ukol sa dayaan noong 2007 Senatorial Elections.
Sa desisyon ni Judge Jesus Mupas ng RTC Branch 112, walang nakitang sapat na dahilan ang korte para magtungo ng apat na araw ngayong buwan si Abalos na nagsabing bibili ng mga “fingerlings” ng bangus na mas mura umano sa Taiwan.
Sinabi rin nito na sapat naman umano ang suplay ng bangus “fingerlings” sa lokal na merkado base sa sertipikasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kaya walang rason na nakikita ang korte para umalis si Abalos.
Isinampa ni Abalos ang naturang mosyon noong Oktubre 18. Ikinatwiran nito na makikipagpulong umano siya sa mga negosyante sa Taiwan ukol sa bangus fingerlings na ibinibenta ng mga ito ng higit na mura sa presyuhan sa merkado ng Pilipinas.
Hinarang naman ito ng Comelec prosecution panel na nagsabing maaari naman na ang mga kausap na negosyante ni Abalos ang magtungo sa Pilipinas para sa kanilang pagpupulong at hindi na ito lumipad.