5 lalawigan ligtas na sa red tide
MANILA, Philippines - Maaari nang makain ang shellfish tulad ng tahong, talaba at halaan mula sa limang lalawigan sa bansa matapos ideklara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas na sa lason ng red tide ang mga baybayin dito.
Ayon kay BFAR Chief Asis Perez, dahil wala na ang lason ng red tide, lifted na ang ban sa paghango, pagbenta at pagkain ng shellfish mula sa karagatan ng San Pedro, Cancabato at Carigara Bays sa Leyte; Biliran waters sa Biliran Province; Hinatuan, Bislig at Lianga Bays sa Surigao del Sur; Balite Bay sa Mati, Davao Oriental at sa Tangines Lagoon sa Benoni Mahinog, Camiguin Island.
Dati nang libre sa red tide toxin ang Manila bay tulad ng baybayin sa Cavite, Las Piñas, Parañaque, Navotas at Bulacan gayundin sa baybayin ng Bolinao, Anda, Alaminos at Bani sa Pangasinan.
Tanging ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte ang nananatiling mataas sa lason ng red tide kayat pinapayuhan ng BFAR ang mga residente doon na huwag kainin ang shellfish dito para makaiwas sa aberya o pagkalason.
Maaari namang hulihin at kainin ang isda at pusit mula sa Dumangquilas at Murcielagos bay bastat alisan lamang ang bituka at hasang at linising mabuti bago lutuin at kainin.
- Latest