MANILA, Philippines - Nagpasalamat ang National Press Club sa Korte Suprema sa ginawang “pagtuldok” sa reklamong qualified theft at paglabag sa Presidential Decree 1612 (Anti-Fencing Law) na isinampa ng Government Service Insurance System (GSIS) laban sa mga opisyal ng NPC kaugnay sa pagbebenta ng “Manansala Mural” sa isang private art collector noong taong 2007.
Matatandaan na noong 2008, nagsampa ng reklamo sa Manila Prosecutor’s Office ang GSIS laban sa buong liderato ng NPC sa pangunguna ni dating presidente, Roy Mabasa at bise presidente, Benny Antiporda.
Ayon sa GSIS, sila ang tunay na may-ari ng nasabing mural at iligal ang ginawang pagbebenta ng NPC sa mural sa halagang P10 milyon.
Sa apela ng NPC, kinatigan ng Department of Justice (DOJ) at Court of Appeals (CA) ang posisyon nila, na ang NPC ang tunay na may-ari ng mural at walang krimeng naganap sa pagbebenta nito.