Lahat ng brand ng noodles susuriin

MANILA, Philippines - Dahil na rin sa nakakaalarmang mga ulat hinggil sa Korean instant noodles na natukoy na may potentially cancer-causing chemical, nagpasiya ang Food and Drugs Administration (FDA) na suriin na din ang lahat ng brand ng noodles na ipinagbiili sa bansa upang makatiyak na ligtas ito sa benzopyrene chemical.

Kasunod ito ng volun­tary recall ng mga importer sa Korean instant noodles na sinasabing nagiging sanhi ng cancer.

Sa ipinalabas na advisory ng FDA, sinabi ni acting FDA head Kenneth Hartigan-Go na sisimulan nilang inspeksiyunin, kolektahin at suriin ang mga noodles na hindi sakop ng voluntary recall bilang pag-iingat. 

Nauna rito, boluntar­yong ini-recall ng mga importers ang anim sa siyam na Korean instant noodles na una nang ipinabawi ng Korea dahil sa taglay na benzopyrene.

Kabilang dito ang Nongshim Neoguri (Hot), Nongshim Neoguri (Hot) Multi, Nongshim Neoguri (Mild), Nongshim Big Bowl Noodle Shrimp, Nongshim Saengsaeng Udon Bowl Noodle, at Nongship Saengsaeng Udon.

Sinabi ni Hartigan-Go na ang mga nasabing produkto ay hindi na papayagang maipagbili pa sa merkado sa hinaharap maliban na lamang kung lilitaw sa pagsusuri na ligtas na ang mga ito.

Hinimok rin nito ang publiko na huwag nang bilhin ang mga naturang produkto at kaagad na isumbong sa FDA sakaling makitang ipinagbibili pa ang mga ito sa merkado.

Maaari umanong tumawag sa FDA sa mga teleponong 8078275 at 8070751.

 

Show comments