1 patay, 9 missing kay Ofel

MANILA, Philippines - Isa katao ang nasawi habang siyam pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Ofel na patuloy na lumalakas matapos na tumama sa kalupaan ng timog kanlurang bahagi ng Masbate at Sibuyan Island.

Sa ulat kahapon ni Na­tional Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, kinilala ang nasawi sa hypothermia na si Sophia Recto.

Kabilang naman sa siyam na nawawala sina Jonrey Acazo, 28 ng Pintuyan Southern Leyte; Jonnie Fronda Ocson, 8, ng Odiongan, Romblon; Rigel Saycon, 18 ng Dumajug, Cebu; Abet Posto, 12; Ariel Posto, 23; Clemente Umban Jr,; pawang ng Brgy. San Jose, Tacloban City, Leyte; 11 anyos na si Muhammad Kanape Guimad, na nalunod sa Tamontaka River sa Cotabato City at dalawa pang inaalam ang pagkakakilanlan sa General Santos City.

Alas-5 ng hapon kahapon, si Ofel ay namataan ng PAGASA sa layong 40 kilometro kanluran ng Mamburao, Occidental Mindoro taglay ang lakas ng hanging 75 kilometro at may pagbugso hanggang 90 kilometro bawat oras. Si Ofel ay kumikilos sa hilagang kanluran sa bilis na 24  kilometro bawat oras.

Ngayong Biyernes, si Ofel ay nasa layong 530 kilometro kanluran ng Vigan City, Ilocos Sur.

Nananatili na lamang na nakataas sa signal no. 1 ang Metro Manila, Ba­taan, Zambales, Cavite, Batangas, northern part ng Mindoro at Lubang Island.

Bunga ng hagupit ng bagyo ay nasuspinde ang klase sa mga paaralan habang nakansela rin ang biyahe ng maraming mga eroplano bunga ng masamang lagay ng panahon.

 

Show comments