MANILA, Philippines - Bago pa man dumating ang pinangangambahang delubyo na malamang na kikitil sa libo-libong buhay, kinukonsidera na ng Mines and Geosciences Bureau ang pagtatayo ng reklamasyon sa baybayin ng Metro Manila.
Ayon kay MGB director Engr. Leo Jasareno, maraming lugar sa bansa ang nahaharap sa panganib sapagkat tayo’y isang arkipelago at ang reclamation ay isa sa nakikita niyang solusyon.
Ipinaliwanag ni Jasareno na may mga bahagi ang Metro Manila na nakararanas ng land subsidence dahil sa patuloy na paggalaw ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
“Lumulubog ang lupa habang tumataas naman ang karagatan,” sabi ni Jasareno.
Patuloy ding tataas ang karagatan dahil sa global warming, babala pa niya.
Inihalimbawa ni Jasareno ang karanasan ng ibang bansa sa reklamasyon gaya ng Singapore Changi airport at bagong airport ng Hong Kong.
Binigay din niya ang halimbawa ng Dubai na napalawak ng Dubai ang pampang nito sa 2000 kms. mula sa orihinal na 70 kms. sa pamamagitan ng reklamasyon. Pangatlo ang Pilipinas sa may pinakamahabang waterfront ngunit hindi naman umano nagagamit ng maayos.
Una nang sinabi ng tanyag na arkitekto at urban planner na si Felino “Jun” Palafox na kung isasagawa ng maayos, ang reklamasyon ang solusyon sa pagbabaha sa Metro
Manila, solusyon sa tsunami at biglaang mga bagyo.
Sabi ni Palafox, ang na-reclaim na lupa ay maaaring i-disenyo bilang natural na pananggalang sa malalaking alon.
Si Palafox ang nag-disenyo sa mga reclamation megaprojects sa Dubai, ang Palm Islands Resort at Map of the World. Kinikilala ang parehong proyekto bilang modern architectural wonder at tourism destination.
Sa Netherland, nag-reclaim sila ng 7000 sq. kms. ng lupain upang gawing dikeng pangsangga sa baha. Patuloy din ang China sa reklamasyon upang palawakin ang kanilang lupang agrikultural habang ang Singapore naman ay ginagawa ito para sa gamit komersiyal at pang-negosyo.
Wala sa mga bansang nabanggit ang humaharap ng sakuna, kalamidad, o suliraning pangkalikasan dulot ng reklamasyon.