MANILA, Philippines - Patuloy na binabayo ng bagyong Ofel ang mahigit sa 20 lugar sa Visayas at Mindanao matapos itong mag-landfall sa Siargao Island kahapon ng tanghali at patungo sa southern Leyte.
Alas-11 ng umaga, si Ofel ay namataan ng PAGASA sa bisinidad ng Siargao, Surigao del Norte taglay ang lakas ng hanging 65 kiometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso na aabot sa 80 kilometro bawat oras.
Si Ofel ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 19 kilometro bawat oras.
Bunsod nito, nakataas ang signal number 2 sa Visayas partikular sa Bohol, Cebu kasama na ang Camotes Island at Leyte Provinces gayundin sa Mindanao sa Dinagat Island, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Northern part ng Agusan del Sur at Camiguin Island.
Signal number 1 naman sa Northern Samar, Eastern Samar, Western Samar, Biliran, Capiz, Antique, Aklan kasama na ang Boracay Island, Iloilo, Guimaras Island, Negros Oriental, Negros Occidental at Siquijor Island sa Visayas gayundin signal number 1 sa Mindanao sa mga lalawigan ng Misamis Oriental, nalalabing bahagi ng Agusan del Sur at Northern part ng Bukidnon.
Ngayong Huwebes, si Ofel ay inaasahang nasa bisinidad ng Roxas City at sa Biyernes ng umaga ay nasa 180 kilometro kanluran ng Nasugbu, Batangas.
Inaasahang lalabas na ng bansa si Ofel sa Sabado.