Girian ng Marcos vs Duterte titindi pa
Matapos ‘sipain’ si VP Sara sa NSC
MANILA, Philippines — Nakaamba umano ang mas matindi pang girian at hidwaan sa pulitika sa pagitan ng kampo nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte matapos tanggalin ang huli sa mga opisyal na bumubuo sa National Security Council (NSC).
Ito’y kasunod ng Executive Order No. 81 ni Pangulong Marcos para balasahin ang NSC.
Bukod kay VP Sara, tinanggal na rin ang ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan binigyang katwiran ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi na kailangan ang mag-ama sa NSC dahilan hindi na ng mga ito nagagampanan ang kanilang mga responsibilidad sa konseho.
“Ang pagtanggal kina VP Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa National Security Council ay nagpapakita lang na simula pa lang ng taon ay simula na naman ang mas matinding bakbakan ng dalawang nangungunang political dynasties sa bansa,” pahayag ni House Assistant Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Re. France Castro.
Inihayag ni Castro na sigurado umanong mangngingitngit ang mag-aamang Duterte dahil sa pagpapatalsik sa kanila sa NSC.
Kaugnay nito, idinepensa naman ni National Security Adviser Eduardo Año ang desisyon ni PBBM sa reorganisasyon o pagbabago sa mga opisyal ng bumubuo sa NSC sa naging hakbang ng punong ehekutibo na mahalaga aniya para mapalakas pa ang pagbuo ng mga polisiyang posibleng makaapekto sa pambansang seguridad.
Inihayag ni Año na ang NSC ay isang advisory body at ang komposisyon nito o bumubuo dito ay nakasalig sa kapangyarihan at desisyon ng Pangulo ng bansa.
- Latest