'Bangon Pilipinas!' - Pacquiao

MANILA, Philippines – Inspirasyon ang hatid ni Filipino boxing icon Manny Pacquiao matapos muling umakyat sa tuktok ng daigdig ng boksing.

Matapos pabagagsakin nitong Linggo si Brandon Rios at bumangon mula sa dalawang pagkatalo, panawagan niya sa mga nasalanta ng bagyong “Yolanda” na muling magsimula.

“We rise again. Bangon Pilipinas!” pahayag ni Pacquiao sa isang panayam sa telebisyon ngayong Lunes.

Hindi lingid sa kaalamanan ng lahat na ginawa ring inspirasyon ng bagong WBO international welterweight champion ang nangyaring paghagupit ni Yolanda sa Visayas partikular sa probinsya ng Samar at Leyte.

"Salamat sa inyong walang sawang suporta,” sabi ni Pacquiao sa lahat ng naniwalang mananalo siya.

Nauna nang sinabi ng “pambansang kamao” na iniaalay niya ang kanyang laban sa milyun-milyong kataong nasalanta ng pinakamalakas na bagyo sa buond mundo ngayong taon kabilang ang higit 5,000 nasawi at 1,500 pang nawawala.

Kaya naman matapos niyang makuha ang unanimous decision 120-108, 118-110, 119-109 kontra sa Amerikanong si Rios ay nakatakda siyang bumisita sa Tacloban City ang lungsod na pinakamay malalang pinsala.

"Masaya ako kasi habit na eh. Habit na na makapagbigay ka ng karangalan sa buong bansa at 'yung makita mo na masaya ang mga tao," sabi ng Saranggani province representative.

Inihayag naman ni Pacquiao sa micro-blogging site na Twitter na hindi tungkol sa kanyang pagbangon ang kanyang nakuhang panalo ngunit ito ay tungkol sa mga Pilipino.

“Yesterday's victory wasn't about my comeback but a symbol of my people's comeback from a natural disaster and a human tragedy. God Bless,” post ni Manny sa Twitter bandang ala-6 ng umaga.

Nakatakda ring bumisita sa mga biktima ni Yolanda ang Filipino-American singer Jessica Sanchez na siyang umawit ng national anthem ng Pilipinas at Amerika.

Show comments