MANILA, Philippines - Nagpadala pa ng karagdagang 10 kataong rescue team ang Metropolitan Manila Development Authority sa Bohol upang tumulong sa mga biktima ng lindol.
Kasama rin tumulak ng rescue team ang tatlong K-9 na aso at underground camera sensors na gagamitin sa paghahanap ng mga naipit na tao matapos gumuho ang ilang gusali sa probinsya.
"Based on reports, Bohol sustained heavier damage so we deemed it right to send another rescue team to assist in the ongoing rescue and clearing operations," pahayag ni MMDA chairman Francis Tolentino.
Dagdag ng pinuno ng MMDA na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan kay Bohol Gov. Ed Chato at sa lokal na Provincial Disaster Risk Reduction Management Council.
Bukod sa mga dalang kagamitan para sa rescue operation, nagdala rin sila ng mga generator dahil hanggang ngayon ay walang kuryente sa buong probinsiya.
Matapos tumama ang magnitude 7.2 na lindol kahapon ng umaga ay kaagad nagpadala ang MMDA ng rescue team sa Bohol at Cebu.
Sa pinakahuling tala ay umabot na sa 99 katao ang nasawi, habang higit 700 aftershocks na ang naitala.