MANILA, Philippines – Sumagot si Senator Alan Cayetano sa mga patutsada ni Senator Jinggoy Estrada na nagreklamo nitong Miyerkules na pinag-iinitan siya sa imbestigasyon ng pork barrel scam.
Hindi direktang pinangalanan ni Cayetano si Estrada na inilarawan na lamang niya bilang “He-Who-Should-Not-Be-Named."
"Ang sinasabi kasi ni He-Who-Should-Not-Be-Named, eh na-condemn na daw siya ng media, na-condemn na siya ng committee na ito," pahayag ni Cayetano sa Senate Blue Ribbon Committee ngayong Huwebes.
"Pero ang alam ko, welcome naman sila dito. At ang alam ko, iniinterview naman sila ng media pero ayaw nilang sagutin," dagdag niya.
Kahapon ay inihayag ni Estrada ang kanyang pagkadismaya sa Commission on Audit, mga kapwa senador, at mga mamamahayag dahil sa umano’y pang-iipit na ginagawa sa kaniya at iba pang umano'y sangkot sa pork barrel scam.
Sa inabangang privilege speech ni Estrada ngayong Miyerkiles ay kinuwestiyon niya kung bakit silang tatlo lamang nina Juan Ponce Enrile, at Bong Revilla Jr., ang itinuturo sa pork barrel scam.
Kaugnay na balita: 'Bakit kami lang ang iniimbestigahan?' - Jinggoy
"Bakit kaming tatlo lang ang iniimbistigahan? There is a saying: selective justice is injustice," pahayag ni Estrada.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima na hindi madali mag sampa ng kaso dahil sinisiguro nilang kumpleto ang mga ebidensya at salaysay ng mga testigo.
"I respectfully disagree with the contention of the honorable Senator Estrada that what we have is selective justice," sagot ni De Lima.
"How can we have selective justice when we are proceeding essentially, basically, fundamentally and principally on evidence that we are gathering and we have emphasized that the cases filed so far are just the first batch of these cases," dagdag niya.
Sinabi pa ni De Lima na sa mga susunod na linggo ay masasampahan na ng kaso ang iba pang sangkot sa pork barrel at Malampaya scam.
Kaugnay na balita: Marami pang makakasuhan sa 'pork' at 'Malampaya' scam - De Lima