MANILA, Philippines – Nagtatago na lamang sa mga hinukay na butas sa loob ng mga bahay ang mga nalalabing puwersa ng Moro National Liberation Front (MNLF), ayon sa militar ngayong Lunes.
"Naghuhukay ng taguan sa ilalim ng mga bahay ang watak-watak nilang pwersa. Bawat bahay at kwarto ay hinahalughog upang mahanap at ma-rescue ang hostages,†sinabi ni Lt. Col. Harold Cabunoc, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines.
Sinabi pa ni Cabunoc na nasa 20 bihag pa ang hawak ng mga rebelde na pinamumunuan ni Nur Misuari.
Dagdag niya na sinusubukang makipag-ugnayan ng mga awtoridad sa paggamit ng loud speaker upang makumbinsi ang mga rebelde na palayain ang mga bihag at sumuko.
"Gamit ang loudspeakers, kinukumbinsi sila na pakawalan ang hostages at mapayapang sumuko. Bala ang isinasagot ng mga hostage-takers kaya nagkakabarilan," banggit ng tagapagsalita.
Samantala, sinabi ni Automonous Region in Muslim Mindanao Governor Mujiv Hataman na nasa 40 hanggang 50 miyembro pa ng MNLF ang nagtatago sa Zamboanga City.
Umabot na ng dalawang linggo ang kaguluhan mula nang sakupin ng mga rebelde ang ilang barangay sa lungsod noong Setyembre 9.