MANILA, Philippines – Nag-ikot na si Pangulong Benigno Aquino III sa mga nasalanta ng walang tigil na pag-ulan na dulot ng hanging habagat na pinalakas ng bagyong Maring mula noong Linggo.
Unang pinuntahan ni Aquino ang Biñan, Laguna, na isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding pagbaha.
Namigay ng relief goods sa Dela Paz Elementary School, na nagsilbing evacuation area, sina Aquino kasama sina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Social Welfare Secretary Dinky Soliman.
Siniguro ni Aquino sa mga nasalantang residente na patuloy silang makakatanggap ng tulong mula sa gobyerno.
Tumungo din ang Pangulo sa katabing bayan na San Pedrp na isinailalim rin sa state of calamity.
Nakatakdang pumunta si Aquino sa Mandaluyong City na sinalanta rin ng pagbaha.
Umabot sa 223,991 pamilya o 1,060,094 katao ang naapektuhan ng pagbaha, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).