MANILA, Philippines – Naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pang-walong nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong "Labuyo" sa hilagang parte ng bansa.
Nadagdag sa listahan ng NDRRMC si Ronald Borja, 27, ng Sitio Amutan, Matawe, Dingalan, Aurora na nalunod noong kasagsagan ng bagyo.
Sinabi pa ng state disaster response agency sa kanilang report kaninang ala-5 ng umaga na may apat na katao pang nawawala.
Samantala, 61,000 pamilya ang nasalanta ni Labuyo, kung saan 151 dito ay nananatili pa rin sa mga evacuation centers.
Umabot naman sa P932.2 milyon ang halaga ng mga nasirang ari-arian sa Region 1, 2, 3, at Cordillera Adminstrative Region.
Nasa state of calamity pa rin ang probinsya ng Quirino, at tatlong bayan sa Zambales na Sta. Cruz, Candelaria, at Masinloc, gayun din ang tatlong bayan sa Aurora.