MANILA, Philippines – Ilang araw bago ang paggunita sa isang taong kamatayan ni dating Interior Secretary Jesse Robredo , hinamon ni Pangulong Benigno Aquino III ang publiko na ipagpatuloy ang mga nasimulan ng yumaong kalihim.
Sinabi ni Aquino na hindi napunta sa wala ang mga pinaghirapan ni Robredo na nagdala rin ng inspirasyon sa bawat mamayamang Pilipino.
"Hindi ba't panahon na para tayo naman ang kumilos? Kung sa iba't ibang anyo at paraan, nagawang baguhin ng isang tao, ni Jesse Robredo, ang mga buhay natin dahil sa pagsusumikap niyang humakbang at sumulong sa kabila ng kaliwa't kanang hamon, hindi ba't may tungkulin din tayong saluhin at simulan ang kanyang nasimulan?" sabi ni Aquino sa kanyang talumpati sa commemoration dinner para sa death anniversary ni Robredo kagabi.
Dagdag ng Pangulo na ayaw na niyang maulit na mawalan ng isang mabuting tauhan.
"Hindi ho ako sigurado na talagang kakayanin ko na mga taong 'singhusay (ang) mawawala sa ating paligid nang talagang napakaagang panahon," ani Aquino. "Pamilya na rin po ang turing ko kay Jesse at hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyayring ganito uli."
Nasawi noong Agosto 18, 2012 si Robredo matapos bumagsak ang sinasakyang eroplano sa Masbate.
Kasamang nasawi ni Robredo ang pilotong si Captain Jessup Bahinting at Nepalese co-pilot Kshitiz Chandz.
Anim na terminong naglingkod si Robredo sa Naga City at nakatanggap din ng prestihiyosong Ramon Magsaysay Award for Government Service.
Noong State of the Nation Address ay nabanggit ni Aquino na sinisisi niya ang kanyang sarili sa pagkamatay ni Robredo na kinuha niya upang maging parte ng kanyang gabinete noong 2010.
Kaugnay na balita: Aquino sinisisi ang sarili sa pagkamatay ni Robredo
“Bukod sa pagluluksa, hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko dahil sa sinapit ni Jesse. Baka kung hindi ko siya hinikayat mapabilang sa Gabinete, buhay pa siya ngayon. Baka kung nanatili na lamang siya sa Naga, kapiling pa natin siya. Baka may isa pa ring Jesse Robredo na naglilingkod ngayon,†pagdaramdam ni Aquino sa kanyang SONA na ginawa sa Batasang Pambansa nitong nakaraang buwan.
“Namuno siya nang may husay, malasakit, at pagpapakumbaba sa Naga. Ang mga prinsipyong ito nga mismo ang dahilan kung bakit hiniram natin siya mula kay Congresswoman Leni, at sa tatlo nilang mga anak, at sa mga Nagueño, upang maging bahagi ng ating Gabinete,†papuri ng Pangulo kay Robredo na nasawi sa kanyang pag-uwi ng Naga City mula ng Cebu.