MANILA, Philippines - Mas mataas sa isang quarter ng gross domestic product ng bansa ang yaman ng 50 Pilipino, ayon sa listahan ng Forbes ng mga bilyonaryong tao sa Pilipinas.
Ayon sa istoryang isinulat ni Naazneen Karmali sa website ng Forbes aabot sa $65.8 bilyon ang yaman ng 50 Pilipino o nasa P2.8 trilyon sa huling tala nitong Hulyo.
Nangunguna sa listahan ang 88-anyos na si Henry Sy na may net worth na $12 bilyon o P521 bilyon.
"The Philippines' richest person Henry Sy saw his fortune swell by $2.9 billion, boosted by the surge in shares of his SM Investments, the country's most valuable company, which reported record profits of over $570 million in 2012," nakalagay sa profile ni Sy sa Forbes website.
Pangalawa sa pinakamayaman sa Pilipinas ay si Lucio Tan na may net worth na P325 bilyon, habang kasunod sina Andrew Tan (P199.7 bilyon), Enrique Razon (P195.3 bilyon), at John Gonkongwei Jr. (P147.6 bilyon).
Nasa pang-anim na puwesto ang pamilya ni Jaime Zobel de Ayala na may net worth na P134.6 bilyon, pampito at pangwalo ang Aboitiz family at ang "father of construction" sa Pilpinas na si David Consunji na may tig-P130.2 bilyon at P117.2 bilyon.
Kasama sa unang pagkakataon ang dating senador na si Manny Villar na may P45.5 bilyon upang lumagay sa pang-16 na puwesto.
Pang-20 naman ang tiyuhin ni Pangulong Benigno Aquino III na si Eduardo Cojuangco na may P35.8 bilyon.
Kabilang din sa listahan ang mga nasa industriya ng media na sina Emilio Yap ng Manila Bulletin, Oscar Lopez ng ABS-CBN, at sina Gilberto Duavit at Felipe Gozon ng GMA 7.
Nasa ilalim ng listahan si Manny V. Pangilinan na may P4.5 bilyon.
Si Pangilinan ang chief executive ng Hong Kong-listed First Pacific na may nagmamay-ari ng Philippine Long Distance Telephone, TV 5 at Meralco sa Pilipinas at Indonesian instant noodles maker Indofood.