Parak timbog sa sting ops ng PDEA

MANILA, Philippines – Tiklo ang isang pulis sa sting operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Ilocos Sur, ayon sa ahensya ngayong Miyerkules.

Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na nadakip sa operasyon si PO1 Jefferson Estonillo Javier, 30, na nakatalaga sa Bantay Municipal police station.

Nakumpiska kay Javier noong Hulyo 26 ang dalawang pakete ng shabu, isang pakete ng tuyong dahon ng marijuana, kalibre .38 revolver  na kargado ng 12 bala, at iba’t ibang drug paraphernalia.

Nakuha pa sa suspek ang perang nagkakahalaga ng P8,044 mula sa pinagsama-samang US$51, 30 euro, at dalawang Singapore dollars.

Nahaharap sa kasong pagtutulak ng droga ang pulis na nakakulong ngayon sa Bantay Municipal Police Station.

Show comments