QC magpapatupad ng 'band aid' solution sa Manila bus ban

MANILA, Philippines – Naghahanap na ng solusyon ang pamahalaang lokal ng Quezon City sa problemang hatid ng bus ban ng kapitbahay na lungsod ng Maynila.

Sinabi ng Mayor Herbert Bautista na iniutos na niya ang paghahanap ng alternative routes na maaaring daanan ng mga sasakyang papuntang Maynila.

"Pinapahanapan ko ang city planning at traffic management department ng alternative route that will be permanent tulad ng Mabuhay, Christmas lanes etcetera so that this will become a permanent route for commuters and vehicles within Quezon City," sabi ni Bautista.

Aniya nagdulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko ang bagong ordinansa ng Maynila kung saan nagsisiksikan ang mga sasakyan sa Welcome Rotunda na boundary ng dalawang lungsod.

"Isa sa mga observations dun napaluwag ng Quezon Boulevard tapos pagdating dun sa may rotonda , imbudo na 'yan dahil two lanes na lang ang pumapasok sa kanila... Talagang sumikip sya bigla from six to two to three lanes, sa volume na nanggagaling sa Quezon City, pagpasok dun talaga sisikip," paliwanag ni Bautista.

Bukod sa paghahanap ng alternatibong daan ay plano rin ng Quezon City na palawakin ang kalsada sa parte ng boundary ng Maynila at Quezon City.

 "Nung tinignan namin yung kalye kanina may space pa para mag-road widen sa portion paglampas ng P. Tuazon, paglampas ng gasoline station at saka pagpalampas ng isang food chain puwede pang mag-road widen dun ang DPWH," sabi ng alkalde.

Hiniling na rin ni Bautista kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino na dagdagan ng tauhan sa lugar upang mas maayos ang daloy ng trapiko.

"We coordinated closely with MMDA nakausap ko na si Chairman kanina on my way to another appointment and sabi nya upuan agad natin yan mag o augment ng mga traffic enforcers on Monday para yung deployment nyan hindi maantala this week kasi nabigla tayong lahat this week," ani Bautista.

Sinabi pa ni Bautista na hindi pa niya nakakausap si Mayor Joseph Estrada tungkol sa bagong kautusan Aniya, nais niyang bigyan ito ng pagkakataon.

"Well, ang hinihintay ko kasi , katulad ni Pasay, ni Mayor Calixto (Cataquiz). We have to test it kasi, baka naman effective yung programa ni Mayor Erap. Eh 'di gawin natin, panoorin muna natin s'ya. In the meantime itong mga band aid solutions because of what happened to Manila, yun muna ang ina-apply po namin," sabi ni Bautista.

 

Show comments