High profile na mga pugante, balik selda - Roxas

MANILA, Philippines – Ilang mga pugante ang nasakote ng mga awtoridad, kabilang ang mga miyembro ng Ozamis robbery ring at dalawang pinaghihinalaang Chinese drug traffickers sa magkahiwalay na operasyon sa Cavite, Batangas, San Juan City, ayon kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ngayong Lunes.

Sinabi ni Roxas na nadakip ang mga pugante dahil sa operasyon ng Plan Gemini 2 at Operation plan Lily ng Philippine National Police.

Isa ang magnanakaw na si Ricky Cadaverro, 36, sa mga puganteng nadakip matapos nitong tumakas sa New Bilibid Prison nitong Disyembre ng nakaraang taon, at ang dalawang Chinese na tulak ng droga na sina Li Lan Yan at Wang Li Na na pumuga mula sa Cavite Provincial Jail noong Pebrero.

Nadakip ang mag-asawang Tsino ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa inuupahang bahay sa A. Infante St., Infante Subdivision, P. Guevarra, San Juan City, noong Sabado ng gabi.

Sa hiwalay na operasyon natimbog si Cadavero at ang kanang kamay nito na si Wilfredo Panogalinga Jr., 34, sub-leader ng Ozamiz Group noong Hulyo 12 sa Brgy. San Agustin 2, Dasmarinas, Cavite.

Si Panogalinga, na takas ng Ozamis City Jail, ang nasa likod sa pagpatay sa Amerikanong si Robert Armstrong noong Setyembre 2012 sa Malate Manila.

Nahuli rin ang iba pang miyembro ng Ozamiz Group sa Cavite at Batangas na sina Nestor Buenabente, Rogie Soriano, Cesar Devera, Donde Pedrosa, Alvin Cuyag at Dave Clark Lago.

Sinabi ni Roxas na patuloy ang kanilang operasyon upang madakip ang iba pang puganteng Tsino na sina Li Tian Hua, at iba pang tropa ng Ozamiz Group.

Show comments