MANILA, Philippines – Papasaok ngayong tanghali sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong “Huaning†(international name Soulik), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sinabi ni weather forecaster Alvin Pura na patuloy na gumagalaw patungong Batanes ang bagyo at maaaring pumasok sa PAR sa pagitan ng alas-10 ng umaga at alas-12 ng tanghali.
Namataan ang bagyo 1,260 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes kaninang alas-9 ng umaga.
May lakas na 150 kilometers per hour si Huaning ay may bugsong aabot sa 185 kph habang gumagalaw ito pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.
Sinabi pa ni Pura na hindi direktang tatamaan ang Pilipinas ngunit palalakasin ng bagyo ang hanging habagat na magdadala ng ulan sa kanluraning mga probinsya sa Luzon at Visayas sa Huwebes.
"Expect natin kung magtuloy-tuloy si Soulik, by Thursday afternoon maranasan natin ang pag-ulan," ani Pura.
Nilinaw din ni Pura na hindi tatama sa lupa ang bagyo kaya naman hindi rin maaapektuhan ang Metro Manila.
Inaasahan na lalabas ang bagyo sa PAR sa Sabado.