MANILA, Philippines – Muling binarikadahan ng mga iskwater ang East Service Road ng Muntinlupa City upang pigilan ang nakaambang demolisyon ng kanilang mga barung-barong, ayon sa urban poor rights advocacy group Kadamay.
Sinabi ng Kadamay na nasa 128 na pamilya ng San Isidro Labrador Neighborhood Association ang nakahandang depensahan ang kanilang mga bahay sa Carmiina Compound sa Barangay Cupang.
Tumungo ng East Service Road ng South Super Highway ang mga informal settlers kaninang ala-5 ng umaga upang harangan ang demolition team, dagdag ng Kadamay.
Sinabi pa ng grupo na humihingi ng relokasyon ang mga residente mula sa pribadong may-ari ng lupa na si Sonia Lim.
Nanawagan din ang mga informal settlers sa lokal na pamahalaan na pumagitna sa kinakaharap nilang problema.
Samantala, mananatiling nakaharang ang mga informal settlers sa East Service Road kahit hindi natuloy ngayong umaga ang demolisyon.
Noong Lunes ay inihayag ng mga residente na gagawin nila ang lahat upang mapigilan ang demolition team.
Kaugnay na balita: Demolisyon sa Muntinlupa haharangin ng mga iskwater
Hindi naman natuloy ang demolisyon at tinanggal ng mga informal settlers ang barikada.