MANILA, Philippines – Nakapagtala ng 200 pang kaso ng dengue sa Kidapawan City at sa mga karatig nitong mga bayan sa North Cotabato mula noong Hunyo 1. Sa kabuuan, umakyat na sa 1,503 ang bilang ng mga kaso ng dengue sa siyudad mula noong Enero 2013.
Sinabi ng doktor na si Duvia Tabugo, hepe ng North Cotabato Integrated Provincial Health Office, na kalahati sa bilang ng mga tinamaan ng dengue ay bata.
Noong Hunyo 7 ay isang bata sa Barangay Sudapen ang nasawi dahil sa kagat ng lamok na may dalang nakamamatay na sakit.
Ang Kidapawan City ang may pinakamaraming kaso ng dengue sa nakalipas na anim na buwan.
Pitong bayan naman sa North Cotabato ang may mataas din na bilang ng kaso ng dengue.
Nakapagtala ng 241 na kaso sa Mlang, 174 sa Kabacan, 171 sa Midsayap, 80 sa Alamada, 72 sa Matalam, at tig-66 naman sa Carmen at Makilala.
Base naman sa Department of Health Region 12 na may sakop sa Kidapawan City at North Cotabato umabot na sa 3,518 ang kaso ng dengue sa Central Mindanao mula Enero hanggang Mayo 31 ngayong taon.
Dagdag ng DOH-Region 12 ay 23 katao na ang nasawi, pito ay mula sa North Cotabato.