MANILA, Philippines – Kahit patuloy na umuusbong ang ekonomiya ng Pilipinas, tumaas pa rin ang bilang ng mga walang trabaho sa 7.5 porsiyento nitong Abril mula sa 6.9 porsiyento ng nakaraang taon, ayon sa resulta ng pinakabagong Labor Force Survey ngayong Martes.
Sinabi ng National Statistics Office na bumaba nang bahagya ang bilang ng employment sa bansa sa 37.82 milyon ng Abril 2013 mula sa 37.84 milyon noong Abril 2012.
Umangat ang ekonomiya ng Pilipinas ng 6.8 porsiyento noong 2012, habang ang gross domestic product para sa unang tatlong buwan ng 2013 ay pumalo sa 7.8 porsiyento, ang pinakamabilis sa Asya.
Sinabi naman ng National Economic and Development Authority na tumaas ang unemployment rate ng 0.6 porsiyento dahil sa mababang employment kahit na bahagyang tumaas ang labor force level.
Karamihan sa mga walang trabaho ay mga nakapagtapos lamang ng high school (31.7 porsiyento), nagtapos ng kolehiyo (21.3 porsiyento) at mga hindi natapos ang kolehiyo (14.6 porsiyento), ayon sa ahensya.
Halos kalahati (48.2 porsiyento) ng mga walang trabaho ay nasa edad 15-24 taong-gulang, kung saan 27.5 porsiyento ay lalaki at 20.7 porsiyento ang babae.
"There is a need to improve the employability of worker applicants, particularly those with secondary and tertiary education. A more effective partnership among firms or establishments, academe and the government will provide useful inputs to the curriculum design," pahayag ni NEDA Deputy Director-General Emmanuel Esguerra.
Para sa kanyang parte, sinabi ni NEDA Assistant Director-General Rosemarie Edillon na kailangang makapang-akit pa ang Pilipinas ng mga investment upang makagawa ng mas maraming trabaho lalo na’t ibinigay ang investment grade level sa bansa ng Fitch Ratings at Standard & Poor’s.
Sinabi ni Edillon na target nila para sa unemployment rate nila ngayong taon ay 6.5 porsiyento.
"Actually back then, the goal was to bring down the unemployment rate to 6.8-7.2 percent. Now this may seem now a pretty non-ambitious goal, because in 2012 we already reached 7 percent. It is already within the target of the PDP (Philippine Development Plan). But going back in April 2010, unemployment was 8 percent, so at that time, the goal seemed ambitious. Now that we have already reached 7 percent in 2012, we are revisiting those targets," ani Edillon.