MANILA, Philippines – Inilikas na ng mga awtoridad ang 48 pamilya mula ng Carmen, North Cotabato na patuloy na niyayanig ng mga aftershocks matapos ang 5.7 magnitude na lindol noong Hunyo 1 na sumira sa 200 kabahayan at gusali sa bayan.
Ayon sa Carmen municipal disaster risk reduction and management council, sinimulan na ang paglilikas ng mga apektadong pamilya sa kanilang pansamantalang mga tirahan sa Barangay Kimadzil, may 15 kilometro ang layo sa epicenter ng lindol.
Sinabi ni Carmen Vice Mayor Moises Arendain na may dalawang hektarya ng lupa nang nakalaan na puwedeng pagdalhan sa 48 pamilya. Aniya,nagsimula na ang lokal na gobyerno na magtayo ng mga core shelters para sa naturang lupain.
Nakapagtala na ng 297 na aftershocks ang lokal na opisina ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) mula noong Hunyo 1.
Dagdag ng Phivolcs na magtutuloy-tuloy pa ang mga aftershocks hanggang sa mga susunod na buwan hanggang sa natural na maayos ang mga bitak-bitak na lupa sa ilalim.