MANILA, Philippines - Dadalhin na sa Maynila ngayong Biyernes ang mga bangkay ng apat na dayuhang turista na nasawi nitong Martes dahil sa pagbubuga ng abo ng Bulkang Mayon.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), dinala sa funeraria ang apat na bangkay habang ang katawan ng Pilipinong tour guide na si Jerome Berin ay naiuwi na sa kanilang bahay upang iburol.
Ang apat na nasawing turista ay kinabibilanga ng dalawang lalaki at isang babeng Aleman at isang babaeng Espanyol.
Naibaba mula sa bulkan ang limang bangkay gamit ang dalawang helicopter ng Philippine Air Force (PAF) bandang 1:40 ng hapon nitong Huwebes.
Samantala, dahan-dahan naman ibinababa ng isang composite team ang Thailander na si Boonchai Jattupompong sa matarik at delikadong parte ng bundok bago ito isakay sa helicopter.
Unang naiulat na nawawala ang Thailander ngunit natagpuan naman ito nitong Miyerkules.
Bandang 8 ng umaga nitong Martes ay nagkaroon ng phreatic explosion ang bulkang Mayon na umabot ng 500 metro ang taas mula sa tuktok nito.
Iniulat ng NDRRMC na bukod sa limang nasawi ay siyam katao pa ang sugatan.