MANILA, Philippines - Sampung milyong halaga ng marijuana ang sinira ng mga awtoridad sa tatlong araw na operasyon sa 16 na taniman sa probinsya ng Benguet, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Huwebes.
Sinabi ng PDEA na may kabuuang lawak na 2,658 square meters ang mga taniman ng marijuana ang kanilang nadiskubre sa Sitio Lanipew at Bana sa Barangay Tacadang, Kibungan Benguet; at Sitio Bulisay at Makagang sa Barangay Kayapa, Bakun, Benguet.
Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na 14,400 piraso ng halaman ng marijuana ang kanilang binunot habang 3,600 piraso ng marijuana seedlings, 1,250 gramo ng binhi ng marijuana at 60,000 gramo ng tangkay ng marijuana ang sinira nila.
"The marijuana plants and seedlings in the 16 cultivation sites were destroyed and burned on site. However, no cultivator was arrested during the eradication," ani Cacdac.
Walang nahuli kahit isang operator ng plantasyon sa magkakasunod na operasyon.