ANILA, Philippines – Isang overseas Filipino worker ang namatay nitong Miyerkules sa half-way house ng konsulada ng Pilipinas sa Saudi Arabia, ayon sa grupong Migrante.
Ayon kay Migrante-Middle East regional coordinator John Monterona, ang nasawi ay si Danilo Grefadilyo, tubong Sorsogon. Namatay umanon si Grefadilyo sa loob ng gusali ng konsulada ng Pilipinas kung nasaan ang Filipino Workers’ Resource Center (FWRC) sa Jeddah.
Nilinaw naman ni Monterona na kinukumpirma pa nila ang naturang ulat sa konsulada ng Pilipinas at sa mga opisyal ng Department of Labor and Employment.
"His exact age can’t be known yet as of this posting, but it is believed that he is more than 60 years old," ani Monterona.
Aniya, ang mga naturang detalye ay galing sa kasamahan niya sa Jeddah.
Bukod sa mga tao sa FWRC, may 2,500 OFW rin ang nagkakampo sa labas ng konsulada ng Pilipinas sa Jeddah simula pa noong Abril 10.
Ayon kay Monterona, si Grefadilyo ay may sakit na ulcer.
Aniya, dinala muna si Grefadilyo sa isang ospital sa Jeddah pero inilipat din sa ward section ng FWRC bago kumalat ang balitang namatay na ang OFW.
"His case should [have] been treated an emergency situation. He should [have been] confined in a hospital to attend to his health condition while [embassy offcials are] attending to his repatriation formalities," sabi ni Monterona.
Sinabi ni Monterona na hindi ito ang unang kaso ng nasawing OFW sa pangangalaga ng konsulada.
Aniya, noong Setyembre 18, 2012 ay nasawi ang 72-anyos na si Mateo Amaro na taga-lungsod ng Caloocan matapos ang tatlong linggong pagkakaratay sa King Fahad Hospital at pakikipaglaban sa stage 3 tuberculosis.
Anim na buwan bago naiuwi at naibigay sa mga kamag-anak ang bangkay ni Mateo.
"These incidents show the Philippine government's gross neglect, which is tantamount to criminal neglect, in providing assistance to distressed and stranded OFWs whom the government hails as ‘modern heroes’," sabi ni Monterona.