Boratong drug gang member tiklo sa Pasig

MANILA, Philippines – Tiklo ang isang hinihinalang miyembro ng nabuwag na Boratong drug syndicate, ayon sa isang opisyal ng Pasig City Police ngayong Biyernes.

Kinilala ni Chief Superintendent Miguel Laurel, direktor ng Eastern Police District, ang 41-anyos na suspek na si Alvin Quijano na residente ng MH de Pilar Street, Barangay Palatiw, Pasig City
 
Inaresto si Quijano sa bisa ng arrest warrant para sa illegal possession of firearms and ammunition na inilabas ni Manila Regional Trial Court Judge Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta.
 
Nabawi kay Quijano ang kalibre .45 MK IV Colt pistol, dalawang M16 carbine rifles, bala ng M16 rifle, kalibre .45 pistol, at tatlong pakete ng hinihinalang shabu.
 
Sinabi ni Laurel na matagal nilang minanmanan at sinundan si Quijano bago naaresto.
 
Dagdag ni Laurel na matapos masakote ang lider ng grupo noong 2009 na si Amin Imam Boratong ay hindi tumigil sa pagtutulak ng droga ang mga miyembro nito.

Noong Marso 10 ay nadakip din ang ibang miyembro ng Boratong Gang na sina Aleman Boratong, Acsaimen Amer at Joey Mamon sa Mapayapa Compound Barangay Sto. Tomas, Pasig City,
 
Nadakip sina Boratong at asawa nitong si Sheryl Molera-Boratong at nakasuhan ng habang buhay na pagkakakulong ng Pasig Regional Trial Court noong 2009 dahil sa pagpapatakbo ng “shabu tiangge" sa loob ng Mapayapa compound.
 

Show comments