MANILA, Philippines - Pinabulaanan ni Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe ang napalathalang pag-aaral na ginawa ng mga magtatapos na journalism students ng University of the Philippines kung saan sinabing isang panukala lamang ang naipasa ng kongresista sa 15th congress.
"It is lamentable that black propaganda disguised as academic work would be peddled to the public that way," pahayag ni Batocabe at sinabing ilang grupo ang nagpalabas ng pag-aaral upang makinabang dito.
Aniya, mali ang mga impormasyon na inilabas ng mga mag-aaral at halata umano na wala ang mga itong alam sa sa proseso ng paghahayin ng panukala sa Kongreso.
"It was misleading, malicious and irresponsible. Had the researchers been more prudent, or at the very least if they took the time to ask how partylist representatives file bills, then they would have seen how flawed their conclusion was," dagdag ni Batocabe.
Kabilang din sa mga binanggit sa pag-aaral ang Bayan Muna, Akbayan at Kabataan bilang may pinakamaraming naipasa na mga panukala.
Ipinaliwanag ng mambabatas na naghahayin ng panukala ang mga kinatawan ng partylist bilang grupo at ang unang nominee ang nagiging principal author.
Ayon kay Batocabe, sa kaso ng Ako Bicol ay si Rep. Christopher Co ang unang nominee kaya siya ang naitatalang principal author at siya at si Rep. Alfredo Garbin ang naitatalang co-author.
"I feel embarrassed for UP that such a sloppy research would even see print. One could only hope that the students did due diligence, that they were more careful or perhaps more vigilant against people who may be misleading them for their own vested interests, considering that this is an election year," ani Batocabe.
Aniya, maipapakita sa talaan ng House of Representatives na mayroon siyang 401 panukala na naisumit bilang co-author at nag-akda rin siya ng 11 resolusyon kabilang ang paghiling sa House committee on Bicol recovery and economic development na magsagawa ng imbestigasyon sa pinsalang natamo ng pagbaha sa rehiyon noong Disyembre 2010.
Dagdag ni Batocabe, mayroon silang 88 panukala na naihayin ni Garbin bilang co-authors at si Co ang umupong principal sponsor at kabilang dito ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo sa bawat isang pamilyang kabilang sa ibaba ng poverty line.
"These data are easily verifiable. I am just wondering how come the researchers did not bother to check with us, and why the study was even picked up by the media without verification," sabi ni Batocabe.
Ang Ako Bicol ang may pinakamalaking nakuhang boto sa halalan noong 2010 na umabot sa 1.5 milyon.