MANILA, Philippines – Dalawampu’t walong manggagawang Pilipino ang uuwi sa bansa mula Syria ngayong Lunes dahil sa kaguluhan sa naturang bansa, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Kabilang ang 28 Pilipino sa 3,792 na dayuhang bumalik sa kanilang mga bansa dahil sa giyera na may kinalaman sa Arab Spring revolution noong 2011.
Dalawa sa mga Pilipino ang sumakay ng commercial flight mula sa Damascus, habang ang 26 pa ay inilipat ng Embahada ng Pilipinas mula sa Damascus, Syria patungong Beirut Lebanon kung saan sila makakasakay pabalik ng Maynila.
Nagsimulang magpalitan ng putok ang mga magkakalabang kampo sa Syria nitong Linggo kabilang ang massive air strike na inilunsad ng militar kontra sa mga rebelde.
Hinimok naman ni Raul Hernandez, tagapagsalita ng DFA, ang mga kamag-anak ng mga Pilipinong nasa Syria na makipag-ugnayan sa lokasyon ng mga manggagawang Pinoy. Maaaring tumawag sa (02) 834-4583.
Dagdag ni Hernandez na maaaring humingi ng tulong ang mga manggagawang Pilipino sa DFA para sa kanilang repatriation sa pagtawag sa embahada ng Pilipinas sa Damascus sa numerong 963-11-6132626.