MANILA, Philippines – Sinabi ng isang nakatataas na piskal ngayong Biyernes na makakapaglabas na ng desisyon sa kanilang imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos.
Ayon kay State Prosecutor George Yarte, miyembro ng fact-finding panel na naatasang magsiyasat sa pagkakawala ni Burogs, na nakapagpasa na sila ng resolusyon matapos ang kanilang preliminary investigation na ginawa noong nakaraang taon. Pero hindi nagbigay ng eksaktong araw si Yarte kung kailan lalabas ang desisyon.
Aniya, sa madaling panahon ay ipapasa na kay Prosecutor General Claro Arellano ang resolusyon upang maaprubahan.
Kabilang sa kaso ang arbitrary detention laban kina Philippine Army Maj. Harry Baliaga Jr., Col. Melquiades Feliciano at Col. Eduardo Ano.
Isa si Baliaga na itinuturo ng mga saksi na dumukot kay Burogs mula sa isang restaurant sa isang mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Abril 28, 2007.
Kasama rin sa mga inirereklamo sina retired Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Hermogenes Esperon Jr.; retired Philippine Army commanding general Lt. Gen. Romeo Tolentino; at retired Philippine National Police (PNP) chief Director General Avelino Razon Jr.
Nahaharap ang mga retiradong opisyal sa kasong obstruction of justice dahil sa pagtakpan ng mga miyembro ng militar na nasa likod ng pagdukot kay Burgos.
Naglabas ng direktiba si Justice Secretary Leila de Lima sa National Bureau of Investigation (NBI, dahil sa utos na rin ni Pangulong Benigno Aquino III na bumuo ng special team na magsasagawa ng bagong imbestigasyon sa pagkawala ni Burgos.
Paliwanag ni De Lima na nais ng Pangulo na maisiwalat ng NBI ang katotohanan, kabilang ang pagtingin sa anggulong posibleng pinagtatakpan ng AFP at PNP ang mga nasa likod ng krimen.
“NBI’s mandate is to ferret out the truth through an exhaustive and independent probe. Hence, possible cover-up would be necessarily and inevitably be part of the inquiry,†sabi ni De Lima sa The STAR.
Aniya, maaaring ipatawag ng NBI ang mga dati ang aktibong miyembro ng military at pulis na humawak sa dating imbestigasyon.