MANILA, Philippines – Nasakote ng pinagsamang puwersa ng pulis at mga sundalo ang isang miyembro ng Abu Sayyaf sa lungsod ng Zamboanga, ayon sa isang opisyal ng pulis ngayong Miyerkules.
Kinilala ni Senior Superintendent Edwin de Ocampo, Zamboanga City police director, ang suspek sa pangalang Muner na kilala rin sa mga alyas na Gordo at Eskildo.
Ayon kay De Ocampo, si Muner ay kilalang tagasunod ng mga nasawing pinuno ng Abu Sayyaf na sina Ghalib Andang alyas Kumander Robot at Umbra Jumdail alyas Doc Abu.
Aniya, nakorner ng mga awtoridad si Muner sa kanyang pinagtataguang bahay sa Barangay Talon-talon nitong Lunes ng hapon.
Kabilang si Muner sa grupo ng Abu Sayyaf na nasa likod ng pambobomba at pananambang sa rehiyon.
Mayroong nakalabas na warrant of arrest para kay Muner dahil sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ayon kay De Ocampo, isa si Muner sa mga suspek sa Sipadan kidnapping noong taong 2000.