Danish nakitang patay sa apartment sa Olongapo

MANILA, Philippines – Wala ng buhay nang matagpuan ang katawan ng isang Danish sa loob ng inuupahan niyang apartment sa lungsod ng Olongapo, ayon sa pulisya ngayong Huwebes.

Sinabi ng mga imbestigador na napansin ng tsuper at caretaker ng apartment na si Eduardo Acosildo ang katawan ni Soren Andreasen, 48, sa loob ng apartment sa No. 5-Gabaya St. Barangay Barretto nitong Miyerkules bandang 9 ng umaga.

Ayon sa salaysay ni Acosildo sa pulisya, huli niyang nakitang buhay si Andreasen nitong Marso 12 bandang 3 ng hapon na dumadaing na hirap huminga at sumasakit ang tiyan dahil sa diarrhea.

Nakita pa ni Acosildong nakikipag-inuman at kakwentuhan pa si Andreasen ang kababayan nitong si Hans Kierkegaard na pinayuhan ang biktimang magpakonsulta sa doktor.

Narekober ng mga pulis ang tatlong malalaking bote ng gin sa apartment ni Andreasen.

Walang nakitang foul play ang mga pulis.

Show comments