MANILA, Philippines – Utas ang isang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa isang grupo ng kabataan habang tinitipon nito ang mga residente ng Kampung Senallang Lama sa Lahad Datu, Sabah, ayon sa ulat ng Malaysian online news website.
Ito ang iniulat ng The Star Online matapos kumpirmahin nitong Linggo ni Habib Mujahab Hashim, pinuno ng Islamic Command Council ng MNLF, na nagpadala ang kanilang grupo ng mga tauhan upang tulungan ang royal army ng Sultanato ng Sulu sa Lahad Datu.
Armado ang 60-anyos na biktima ng M16 assault rifle at grenade launcher nang magbahay-bahay siya upang puwersahang tipunin ang mga residene.
Ayon sa The Star Online, kinuyog ng isang grupo ng mga kabataan ang naturang miyembro ng MNLF habang puwersahan niyang dinadala ang mga residente sa mosque ng naturang lugar.
Sinabi sa ulat na ang napaslang ay isang dating kumander ng MNLF.
Sa naturang ulat, sinabi ni Sabah Police Commissioner Datuk Hamza Taib, na kabilang ang biktima sa engkuwentro sa pagitan ng royal army at puwersa ng Malaysia sa Kampung Sri Jaya sa seaside village ng Simunul sa Semporna.
Batay sa The Star Online at national news website ng Malaysia na Bernama, anim na pulis at anim namang miyembro ng royal army ang nasawi sa kaguluhan sa Simunul noong Sabado ng gabi.
Noong Linggo, sinabi ng Sultanato ng Sulu na limang opisyal ng Malaysia ang namatay at apat na matataas na security officials ang binihag ng mga Pilipinong nakatira sa Sabah.
Ayon sa sultanato, inatake ng mga Pilipino ang army convoy at district police headquarters matapos patayin ng puwersa ng Malaysia ang isang Imam at apat nitong mga anak sa Lahad Datu.
Sinabi ni Abraham Idjirani, tagpagsalita ng sultanato, na pinaghinalaan ng puwersa ng Malaysia ang Imam na nagtatago kay Alepiuya Kiram, kapatid ng Sultan ng Sulu na si Jamalul Kiram III.
Pinamunuan ng isa pang kapatid ni Kiram na si Agbimuddin ang halos 300 kataong tumungo sa Lahad Datu kamakailan upang muling igiit ang pag-aari ng sultanato sa Sabah.
Noong Biyernes ay umabot sa 12 katao ang namatay sa engkwentro ng grupo ni Agbimuddlin at ng puwersa ng Malaysia.