Libo-libong katao apektado ng pagbaha sa Zambo - NDRRMC

Manila, Philippines – Halos 10,000 katao ang apektado ng pagbaha sa Zamboanga del Norte dahil sa walang tigil na pag-ulan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes.

Ayon sa NDRRMC, 1,855 na pamilya o 9,465 na katao ang kailangang lumikas dahil sa pagbaha, habang 422 hektarya ng lupang sakahan ay hindi rin nakaligtas.

Apektado ang mga baranggay sa lungsod ng Dipolog na San Jose, Olingan, Biwan, Lugdungan, Punta, Dicayas, Gulayon, at Turno, gayun din sa mga baranggay sa bayan ng Polanco na Pian, Poblacion South, Labrador, Guinies, Obay, Anastacio, Villahermosa, Lingasad, at Poblacion North, pati rin ang baranggay Basagan sa bayan ng Katipunan.

Dahil sa tuloy-tuloy na pag ulan kahapon ay umapaw ang ilog sa tabi ng national highway ng Polanco na umabot sa halos isang metro.

Umabot naman sa critical level ang tubig sa ilog ng San Jose sa lungsod ng Dipolog, habang kalahating metro ang itinaas ng tubig sa bayan ng Rizal.

Dagdag pa ng ahensya na naapektuhan din ang mga baranggay Sto. Niño, Basagan, Mulagas at Lugdungan sa bayan ng Katipunan, kung saan hanggang baywang ang baha.

Dinala ang mga lumikas na pamilya sa mga paaralan na pansamantalang ginawang evacuation center.

Show comments