MANILA, Philippines – Ipinaaaresto na ng Sandiganbayan si Presidential Adviser for Environmental Protection Nereus "Neric" Acosta at ang kanyang ina dahil sa kasong perjury na isinampa laban sa kanila ng Office of the Ombudsman noong nakalipas na taon.
Inilabas ngayong Huwebes ng Sandiganbayan Fifth Division ang mga warrant of arrest laban kay Acosta at kanyang inang si Socorro.
Inihayin ng Office of the Ombudsman ang kasong perjury laban sa mag-ina noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Nag-ugat ang kaso dahil sa mali umanong paggamit ni Acosta sa kanyang pork barrel habang siya ay nakaupo bilang kinatawan ng Bukidnon sa Kongreso.
Ayon sa Ombudsman, ilegal na inilipat umano ng dating kongresista ang P5.5 milyong Priority Development Assistance Fund sa Bukidnon Vegetable Producers Cooperative (BVPC), isang pribadong grupo na hinahawakan ng pamilya ni Acosta.