MANILA, Philippines – Tiklo ang isang negosyanteng sinubukan umanong magpasok ng ilegal na droga sa bansa, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay PDEA director general Arturo Cacdac Jr., nahuli ng mga miyembro ng Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang 38 anyos na si Roendo Ariata ng Monkayo, Davao City, noong Enero 8 sa NAIA Terminal 2, Pasay City.
Sa tantiya ng mga awtoridad ay nasa pitong kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu ang sinubukang ilusot ni Ariata na sumakay ng Philippine Airlines Flight PR307 mula Hong Kong nang maaresto bandang 10:30 ng gabi sa arrival area ng NAIA Terminal 2.
Natagpuan ang mga ilegal na droga na nakapaloob sa kahon ng gatas at nalaman ito dahil sa physical examination na ginawa ng Duty Customs Examiner na si Kristian Cordis.
Dagdag ni Cacdac na positibo ang mga kahon ng gatas sa mga ginawang pagsusuri.
Pansamantalang nakaditene ang suspek sa PDEA custodial facility sa Quezon City.