MANILA, Philippines – Sa pagnanais makatulong sa pamilya ng biktimang si Stephanie Nicole Ella, ilang residente ng lungsod ng Caloocan ang nagsuko ng napulot nilang mga slug ng pagkatapos ng pagdiriwang ng bagong taon.
Umaasa ang mga residente na makakatulong ito upang mapadali ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidenteng ikinamatay ng pitong-taong-gulang na bata na biktima ng ligaw na bala.
"We thank concerned citizens for helping us solve the case by giving possible evidence," sabi ng tagapagsalita ng Caloocan City Police Office na si Superintendent Jack Candelario.
Aniya, dinala na ang mga slug sa crime laboratory upang pag-aralan.
Samantala, patuloy ang pananawagan ng mga awtoridad sa publiko sa pagbibigay ng mga impormasyon na makakatulong sa pagresolba ng kaso ni Ella.
Idineklarang patay ang batang biktima 2:26 ng hapon noong Miyerkules matapos ang pang-walong cardiac arrest sa East Avenue Medical Center sa Quezon City.
Isinugod ang biktima sa ospital matapos tamaan ng ligaw na bala sa ulo habang nanonood ng mga paputok sa labas ng kanilang bahay sa Malaria district, Caloocan City.
Si Ella ang pangalawang nasawi dahil sa ligaw na bala sa pagsalubong sa bagong taon. Ang apat-na-taong gulang na si Ranjelo Nimer ay namatay nang mataaman ng sumpak o homemade shotgun ng kanyang kapitbahay sa lungsod ng Mandaluyong.
Isa pang biktima ang 16-anyos na lalaki sa Surigao City at ngayon ay comatose.