Operasyon vs Abu Sayyaf sa Sulu patuloy

 

MANILA, Philippines - Hindi tatantanan ng mga tauhan ng Philippine Marines ang mga operasyon nito laban sa bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na hinihinalang may hawak pang pitong bihag sa probinsya ng Sulu.

"Hindi titigil ang operasyon ng Marines. Ongoing ang mga operasyon," ani Col. Armando Bañez, deputy for Marine Operation ng Naval Forces Western Mindanao ng Armed Forces of the Philippines.

Bukod sa mga patrol at pursuit operations, hindi rin titigil ang intelligence build-up ng Marines sa probinsya upang matukoy ang mga lugar na pinagkukutaan ng mga bandito at pinagdadalhan nila ng kanilang mga bihag.

Hawak pa rin ng mga bandido sina Australian Warren Richard Rodwell at mga European na sina Elwold Horn at Lorenzo Vinceguerre. Hindi pa rin pinapakawalan ng mga bandito si Jordanian broadcast journalist Baker Atyani at tatlo pang Pilipino.

Ayon kay Bañez, may mga impormasyong nakuha ang Marines na nagpapalipat-lipat ng lugar ang mga bandido sa kagubatan ng Sulu upang iwasan ang mga operasyon ng militar at pulisya laban sa kanila.

Samantala, sinabi ni Bañez na imbes na magbawas ay nagdagdag pa sila ng mga tauhan sa matataong lugar at mga tanggapan ng gobyerno sa Sulu at mga karatig na lugar bilang paghahanda sa maaaring balak ng mga bandido na samantalahin ang pagdiriwan ng Bagong Taon.

“They (Marines) are ready for that possibility,” ani Bañez.

Show comments