MANILA, Philippines – Kinapos si Binibining Pilipinas-Universe Janine Tugonon sa 61st Miss Universe na ginanap sa Las Vegas, USA nitong Huwebes ng umaga.
Tinanghal na first runner-up ang University of Santo Tomas pharmacy graduate na si Tugonon, habang ang hometown hero na si Miss USA Olivia Culpo ang kinoronahan bilang Miss Universe 2012.
Pasok din sa Top 5 sina Irene Sofia Esser Quintero ng Venezuela, Renae Ayris ng Australia, at Gabriela Markus ng Brazil.
Sa question and answer portion tinanong ang 22-anyos na tubong Balanga, Bataan ni judge Nigel Barker:"Do you believe that speaking English should be a prerequisite to being Miss Universe, why or why not?"
Tumugon si Tugonon: "It's about influence and inspiring people and not about language... As long as you have a strong heart and a strong mind, you have what it takes to be Miss Universe."
Sa LIVE Blog http://www.philstar.com/entertainment/2012/12/19/887836/miss-universe-2012-live-coverage ng Philstar.com, karamihan ay bumoto na mananalo si Tugonon dahil na rin sa sagot niya.
Ilan sa mga Pinoy na sumali sa LIVE Blog ay naniniwalang mas mataas ang tsansa manalo ni Tugonon na manalo dahil sa kanyang sagot.
Tatlong magkakasunod na taon nang pasok ang Pilipinas sa top five, noong 2010 ay si Venus Raj ang pambato ng bansa at noong nakaraang taon naman ay si Shamcey Supsup.
Dalawang beses pa lamang nakakakuha ng Miss Universe crown ang Pilipinas. Unang nakuha ni Gloria Diaz ang korona noong 1969 at sinundan ni Maria Margarita "Margie" Roxas Moran noong 1973.