MANILA, Philippines – Pasisinayaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang turn over ceremony ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa national headquarters nito sa Camp Crame, Quezon City ngayong araw.
Pangungunahan ng Pangulo ang paglilipat ni PNP chief Director General Nicanor Bartolome ng pinakamataas na posisyon sa pulisya kay Deputy Director General Alan Purisima.
Sasaksihan ang seremonya ng matataas na opisyal ng PNP, mga opisyal ng gobyerno at mga diplomatiko.
Kamakailan ay inihayag ni Bartolome na sa halip ilagay ang kanyang sarili sa non-duty status ay napagdesisyunan niyang magretiro na lamang ng mas maaga.
Ayon kay Bartolome, ang naturang desisyon ay upang mabigyan ng mas maayos na mandato ang papasok na PNP chief.
Bago pa man ihayag na siya ang papalit kay Bartolome, itinalaga si Purisima bilang commander ng Task Force Halalan na talagang ibinibigay sa isang PNP chief.
May mga ulat nang lumutang na maaaring mabigyan ng puwesto si Bartolome sa Department of Interior and Local Government.