MANILA, Philippines - Tiklo ang hinihinalang pangalawang pinakanotoryous na tulak ng droga sa buong Central Maguindanao sa isang operasyon ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa General Santos City.
Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr., nasakote si Danny Borinaga, 23, ng Silway, Barangay Dadiangas West, General Santos City, matapos magbenta ng pakete ng shabu sa isang undercover agent noong nitong Miyerkules bandang 2:40 ng madaling araw.
Dagdag ni Cacdac, pangalawa si Borinaga sa target ng PDEA Central Mindanao at naiulat na miyembro at tulak ng Malacañang Drug Group.
"His arrest is expected to affect the supply of shabu in General Santos City and its neighboring municipalities," pahayag ni Cacdac.
Nakuha rin mula kay Borinaga ang isang ice pick, isang 7-pulgadang double-sided na kutsilyo at marked money na ginamit sa buy-bust operation.