Zombie Family (372)
NAKARATING sa floor ng CEO si Leilani.
“Mukha ngang wala pang tao. Pero hindi ako dapat madatnan dito ng kahit sinong lowly employee lamang. Baka sila pa ang manita sa akin.”
Dumiretso siya sa comfort room.
At naalala ang pakiramdam niya kanina sa loob ng elevator.
Kung paanong hindi niya maalis-alis ang mga mata sa mga ulo ng mga kasakay niya.
Naalala niyang nakaramdam siya ng sobrang gutom.
Meron sa loob ng mga ulo na parang gusto niyang dukutin at kainin. Hindi pa naman niya talaga alam kung alin at ano.
“Bakit nagkakaganito? Bakit parang nagiging kumplikado ako? Bakit ba hindi ko na lang basta malaman kung ano talaga ang gusto kong kainin? Tao pa rin ba?”
May palapit na janitress.
Pakanta-kanta pa.
“Good morning, Ma’m.” Sabi nito sa kanya.
Tumango lang si Leilani. Titig na titig na naman siya sa ulo ng janitress.
Nanginginig ang kanyang kamay. Gusto nang sunggaban ang ulo. At hapding-hapdi na ang sikmura niya.
Damang-dama niya ang gutom.
Narinig pa niya ang tunog ng kanyang tiyan. Malakas.
Narinig yata iyon ng janitress, napatingin ito sa kanya na parang matatawa. Akala siguro nag-fart siya.
Nainis siya. Ayaw niyang mapagtawanan. O mapintasan.
Tiyan lang niya ang tumunog sa gutom, hindi siya nag-fart. Hindi siya ganoon kabastos.
Tapos itong janitress, kung makatingin, akala mo nakakadiri na siya. Ano kaya dukutin na niya ang parang kung anong nakakatakam sa loob ng ulo nito?
Bago pa siya nakapag-isip kung gagawin ba niya o hindi, parang may kung anong kapangyarihang nagtulak sa kanyang mga kamay sa ituktok ng ulo ng janitress.
Nang mahawakan niya ang ituktok ng ulo, biglang umigkas ang mga daliri niyang tinubuan agad ng mga matutulis na kuko.
At sa isang sandali, nakapasok na ang mga kuko niya at daliri sa loob ng bao ng ulo.
Napapikit si Leilani nang maramdaman ang malambot na utak doon. ITUTULOY
- Latest