Nanliligaw ba si bayaw?
Dear Vanezza,
Kamamatay lang ng ate ko sa sakit na kanser sa dugo. Mula nang dumating ako sa bahay ng bayaw ko ay nawala ang lungkot nito dahil parang nakikita niya si ate sa akin bilang magkahawig kami.
Naging masayahin siya na naibaling ang kanyang atensyon sa akin. Araw-araw mayroon akong breakfast in bed na inihahatid pa niya sa kuwarto ko. Gusto niya lagi kaming magkasama na mag-hiking sa bundok na kaming dalawa lang. Gusto rin niya akong mag-enroll sa college na wala ring tutol ang mabait niyang pamilya. Pero nahihiya ako sa mga regalo na ibinibigay niya dahil ang mamahal. Nililigawan ba niya ako? Ayaw kong bigyan ng malisya ang kabaitan niya, pero paano kung nagising na siya sa katotohanan na hindi pala ako ang mahal niya, kundi ang yumao kong ate. Tatanggapin ko ba ang alok na pag-aralin ako? – Malou
Dear Malou,
Hindi masama ang magtanong. Upang maging malinaw ang lahat ay kausapin ang iyong bayaw para maintindihan ang mga bagay para alam niya ang kanyang boundaries.
Samantalahin mo rin ang alok niyang pag-aaral kung wala kang kakayahang gawin ito o ng iyong magulang. Marahil ay talagang nami-miss lang niya ang kanyang misis na nakikita niya sa iyo.
Huwag advance mag-isip dahil maaaring gusto lang niyang tumulong tulad din marahil na puwedeng gawin sa iyo ng ate mo kung nabubuhay ito.
Kung sakaling totoong nanliligaw sa iyo ang bayaw mo, puwedeng pag-aralan ang sitwasyon. Humiling ng time na maiproseso ang iyong damdamin na maaaring nabibigla ka sa overwhelming niyang pagtrato sa iyo.
Bilang siya ay bayaw mo. Kung maganda ang kanyang intensyon ay puwede naman basta ba ang pondasyon ay wagas din na magpagmamahal.
Sumasainyo,
Vanezza
- Latest