Pangalawang Anino (560)
NAYANIG sina Yawanaya sa ikinumpi-sal ni Pio.
“Siya ang anak ng hari ng mga demonyo? Grabe ang kapangyarihan nila! Kaya pala nakapasok siya rito sa bundok na banal!”
“Ano kaya ang susunod na mangyayari ngayon?” Litong tanong ni Alona.
“Sana nga maalis na ang kasamaan sa kanya nang tuluyan,” sagot ni Yawanaya.
“Magtitiwala na ba tayo ngayon sa kanya? Dahil nasakop siya ng puwersa ng mabuting Diyos?”
“Kailangan nating magtiwala, hindi ba, Ariel?”
“Oo. Iyan ang gagawin ko.”
“Pio ba ang totoo mong pangalan?” tanong ni Yawanaya.
“Hindi. Marami akong pangalan pero ang gusto ko ay Pio na ang gamitin. Dahil dito ako nagkaroon ng pagbabago.”
“Masaya ka ba sa pagbabago mo?” Nagtanong din si Ariel.
Ngumiti si Pio, ngiting mararamdaman ang katotohanan. “Oo. Nararamdaman ko ngayon. Masaya ako.”
“Paano ang relasyon mo sa iyong ama?”
“Tanggap ko.”
“Nang hindi ka nalulungkot?”
“Dahil siguro wala kaming konsepto ng lungkot, pagsisisi, panghihinayang at pagmamahal, kaya madali kong natanggap.”
“Pag nakita mo siya, hindi ka maaawa?” tanong ni Yawanaya.
“Paano ko ba sasagutin ‘yan? Iba ako noon, iba ako ngayon. Wala ngang nakatanim sa aming pagkatao nang ganyang mga damdamin. At sa ngayon naman, nararamdaman ko lang masaya ako sa aking pag-amin kung sino ako. Masaya ako na nandidito ako. Masaya ako na mga kasama ko kayo.”
Napatingin si Yawanaya kina Alona at Ariel. “Palagay ko, hindi pa natin siya matatanong nang ganyan na klaro ang kanyang sagot. Ngayon pa lamang siya nagbabago so bago sa kanya ang lahat. Wala pa siyang karanasan sa napakaraming damdamin at bagay na normal sa ating mga tao.”
“Palagay ko tama ka, Yawanaya. Para rin siyang si Yawan nang makalabas sa banal na kulungan. Inosente. Parang isang bata.”
Inilibot ni Pio ang mga mata sa paligid. “Ang ganda-ganda pala rito! Iba sa tahanan ng aking ama na puro apoy, mainit, mabaho!”
“Ayaw mo nang umalis dito?” tanong ni Alona.
“Kung masaya kayo kapag nandidito ako.” Puno ng katapatan ang sagot.
- Latest