Pangalawang Anino (558)
MAGKAHAWAK-KAMAY at parehong nagdadasal.
Sumusunod si Yawan kay Angela.
Bawat salita ng dasal ay kinakailangan niyang tanggapin sa kanyang puso.
Para lumabas sa kanyang bibig na galing sa hugot ng pagmamahal at pananalig.
Noong una, pilit.
Pero habang nakapikit si Yawan, unti-unti niyang natatanggap ang bawat salita ng dasal at naigiya niya sa kanyang puso.
Kaya nang bumibigkas na ay puno na ng damdamin. Hugot na hugot mula sa puso.
Umepekto kaagad ang puwersa ng dasal kay Pio.
Napasigaw ito. “Aaaaaahhhhh!”
“Ano’ng nangyayari sa iyo, Pio?” Taka si Alona.
“Bakit ko naririnig ang mga dasal nila? Nag-i-echo pa sa aking utak ng pagkalakas-lakas?”
Bumalik ang pagdududa ni Yawanaya kay Pio. “Kung nagmula ka sa mabuting puwersa, hindi ganyan ang reaksiyon mo sa dasal. Bakit parang takot na takot ka?”
Si Alona, nagtataka na rin. “Oo nga. Bakit masama ang epekto sa iyo ng dasal nila kung mabuti ka?”
Hindi makasagot sa mga tanong na iyon si Pio.
Pero nahihirapan pa rin ito, may niri-resist siyang gawin. Nagkadangiwi ang kanyang mukha. Ganoon din ang bibig.
“Ayoko! Ayokong magdasal na tulad nila! Ayokong sumunod sa pagdadasal! Hindi ako puwedeng magdasal dahil anak ako ng haring demonyo!”
Napatanga sina Alona at Yawanaya.
Si Ariel ay napapailing.
“Kung ganoon ay tama si Ariel? Hindi ka lang pala masama kundi napakasama dahil anak ka ng haring demonyo!”
Nilalabanan pa rin ni Ariel ang utos ng kanyang utak na sumunod sa pagdadasal nina Yawan at Angela.
“A—ma ....namin ...na nasa langit ...”
Patuloy si Pio sa pagsunod ng dasal.
Walang nangyayari sa kanyang pagpupumilit na huwag sumunod.
Hanggang sa natapos ang pagdadasal ni Pio kasabay ng pagtatapos ng pagdadasal nina Yawan at Angela. At biglang tumigil ang mga kulog at kidlat. Itutuloy
- Latest