Propesor na Fil-Chinese artist ‘di matahimik
Taong 2000 nang kumalat ang balitang pagpapakamatay ng isang propesor sa isang sikat na unibersidad sa Manila.
Isang Filipino-Chinese artist na nakilala dahil sa kanyang galing sa pagpipinta at paggawa ng tula.
Naging propesor siya sa edad na 28 sa nasabing unibersidad, at kilala siya nang lahat bilang masiyahin at madasaling guro.
Ginulantang na lang niya ang lahat nang bigla siyang tumalon mula sa ika-pitong palapag ng nursing building. Simula noon, hindi na natapos ang mga ispekulasyon at haka-haka tungkol sa kanyang pagkamatay.
Sinasabing nabuntis siya ng kanyang nobyo at hindi pinanagutan, napansin daw kasi ng iba ang mga obra niya na madalas ay mag-ina ang mga nakapinta. Sabi naman ng iba ay aksidente lang ang pagkakahulog nito.
Isang insidente ang nagpapatunay na hindi matahimik ang kaluluwa niya.
May isang babae raw ang pumasok sa silid ng first year nursing students noon at nagpakilala gamit ang pangalan ng propesor, nagpaalam daw ito agad sa kanila at naglaho ng parang bula.
Nang kanilang tanungin kung sino ito, halos namuti na ang kanilang mga mukha sa takot nang malaman nilang matagal na pala itong patay.
Madalas din daw siyang magpakita sa elevator na sumasabay, sa hallway, library, at sa chapel na madalas niyang pagdasalan noong nabubuhay pa siya.
- Latest