Batang 100 years nang patay, hindi pa rin naaagnas
Ang pag-eembalsamo ay isa lang sa tradisyon na ginagawa kapag ang isang tao ay namatay na. Ang maagnas at maging buto ay parte na nito, pero kakaiba ang batang ito na namatay noong 1920’s.
Si Rosalia Lombardo, na binawian ng buhay dahil sa mahinang pangangatawan sa edad na dalawang taong gulang, nakalagak ang labi nito sa sicilian catacombs. Makikita ang magandang mukha nito na animo’y natutulog lang habang nakalagay sa loob ng maliit na salaming kabaong, dahilan para tawagin siyang Sleeping Beauty.
Hindi matanggap ng tatay ni Rosalia ang nangyari sa kanya, kaya gumawa siya ng paraan para hindi ito mawala.
Kinausap ni Mario Lombardo si Alfredo Salafia para ipreserba si Rosalia. Ang eksaktong formula na ginamit ni Alfredo ay nanatiling misteryo at naisama na hanggang hukay.
Taong 2009, isang biological anthropologist na nagngangalang Dario Piombino-Mascali ang nag-trace ng eternal formula sa pamamagitan ng mga ninuno ni Salafia. Naglalaman pala ito ng kemikal na formalin, zinc salt, alcohol, salicylic acid, at glycerin.
Ang kombinasyon ng alcohol at klima sa loob ng catacombs ang nakapagpatuyo sa katawan ni Rosalia at ang mga natirang kemikal ang nakapagpa-mummify rito.
Maraming hindi naniniwala sa kaso ni Rosalia, pinalitan na lamang daw marahil ang tunay na katawan nito ng replika, kaya sa kauna-unahang pagkakataon, in-xray nila ito at doon nalaman na intact pa rin ang utak at lamang loob nito.
Ayon sa mga bumibisita sa kanya, nakikita nilang bumubukas-sara ang mata ng bata na para bang buhay pa, pero ipinaliwanag na dahil lamang ito sa temperatura at optical illusion.
- Latest